WAHEEHEE

Friday, December 28, 2012

WAHEEHEE 010 - New Year edition

PAMBAGONG TAON LAMANG
RAM: Ano ba ang mas matindi sa KUWITis?
MAR: Eh di TULDOKis.
RAM: Pag ginulpi kita siguradong comatis ka!

RAM: Ano ang mas matindi sa bawang? Hindi sibuyas ha?
MAR: Eh di bawangwangwangwangwang!
RAM: Huh, may echo pa!

RAM: May regalo ka raw sa akin?
MAR: Belt.
RAM: Wow, leather belt?
MAR: Judas belt.

NEW PRODUCTS FOR THE NEW YEAR
- Gulong na bakal para hindi napa-flat ang mga sasakyan
- Solar microwave para kahit saan puwedeng magluto… sa tapat ng araw
- Reusable condom kaya lang baka walang bumili
- Disposable panty siguradong mabili

PAPUTOK NI ANDOY
AZON: Kaya mo pa ba, Andoy?
ANDOY: Oo naman… (naghubad ng pantalon, pati brief)
AZON: O, bakit ka naghubad ng…
ANDOY: Tinatanong mo kung kaya ko pa eh.
AZON: Tinatanong ko kung kaya mo pang magpaputok ngayong new year.
ANDOY: Eto nga ang sagot ko… (iniabot kay Azon ang brief)
AZON: Ang bastos mo talagang matanda ka.
ANDOY: Anong bastos? Paputok ang tanong mo, di ba? Ayan ang brief ko. Langhapin mo dahil mas matindi pa sa putok ang amoy nyan!

MGA PAPUTOK NI NI DR. GLOBO
CALLER: Bakit po sopas ang nakagawiang pagkain tuwing media noche?
GLOBO: Nasa kanta naman yan. Eto…
Sopas the voice of an angel
Whisper a lesson unheard.
CALLER: Huh.

CALLER: Bakit po pag New Year’s eve ay uso ang suot na pula?
GLOBO: Nauso lang talaga ang pula dahil maraming nag-iinuman kaya namumula ang mga mukha. Marami rin ang mga Ninong at Ninang na hinahabol ng mga inaanak kaya namumula sila sa kahihiyan.
CALLER: Eh ang ibig ko pong sabihin na pula ay yun damit na pula.
GLOBO: Ah, red na damit? Uso nga talaga yan kasi pinauso ni Mother Lily ng Regal Films.
CALLER: Huh. Eh isa pa pong tanong.
GLOBO: Sige, tungkol naman sa polka dot?
CALLER: Huh, paano nyong nalaman na ang polka dot ang itatanong ko?
GLOBO: Ang polka dot ay bilog-bilog kaya simbolo ito ng pera o grasya. Yan ang pamahiin ng karamihan na isuot kapag New Year’s eve para puntahan sila ng pera sa papasok na taon.
CALLER: Kahit sino po ba ay puwedeng magsuot ng polka dot?
GLOBO: Aba, hindi mo kailangang magsuot ng polka dots kung ang mukha mo ay butas-butas. Yun na rin yun. At hindi mo rin kailangang magsuot ng polka dots kung ikaw ay parang leopard sa iyong alkansya sa binti.

CALLER: Totoo po bang nakakapagpatangkad ang pagtalon tuwing New Year’s eve?
GLOBO: Depende yan. Kung bata ka pa ay epektibo yang pagtalon tuwing New Year’s eve. Pero kung unano ka, wa epek yan kahit tumalon ka pa mula sa building.
CALLER: Huh, paano nyo nalamang unano ako?
GLOBO: Huh!



PAALALA
Magtiyaga sa torotot at iba pang paingay kesa gumamit ng paputok. Dahil kung ayaw nyo ng torotot ay baka alpa o harp ang gagamitin nyo sa New Year. Remember na ang alpa o harp ang musical instrument ng mga anghel.

Monday, December 17, 2012

WAHEEHEE 009 MMFF edition

2012 MMFF (Metro Manila Film Festival) opens on Dec. 25
The entries are…
1. Shake, Rattle and Roll – bawal manood ang may sakit sa puso
2. The Strangers – bawal manood ang walang kasama, baka atakihin sa puso
3. Sisterakas – bawal manood ang bagong kain dahil baka ma-indigestion
4. Si Agimat, Si Enteng, Si Ako – bawal manood ang hindi bata
5. El Presidente – bawal manood ang hindi pumasa sa Philippine history subject
6. Thy Womb – bawal manood ang mga hindi Noranians
7. Sossy Problems – bawal manood ang masungit
8. One More Try – bawal manood ang walang ticket

FLASHBACK:
Noong araw ay double program ang palabas sa sinehan. That’s around 4 hours of watching. At kahit anong oras ay puwede kang pumasok at kahit anong oras din ay puwede kang lumabas. Kapag nagutom ay bumili lang sa vendor na naglilibot sa loob ng sinehan, “Ay, mani, mani, popcorn, pepsi.”

At kapag nagloko ang projector at nawala ang palabas, ito ang maririnig mong sigaw ng mga tao, “Hooo, soli bayad, soli bayad.” Try mo kayang sumigaw ng ganyan ngayon?

COMIC SCRIPT: INSIDE THE THEATER
Galing ng CR si Badong. Pagbalik niya sa upuan ay hinawakan niya ang kamay ng katabi niya. Iniwas ng babae ang kamay.

BADONG: Oh, galit ka pa ba?
BABAE: Hindi.
BADONG: Eh bakit ayaw mong magholding hands tayo?
BABAE: Eh kasi hindi naman ako ang ka-date mo, noh! Dun ka sa likuran nakaupo, ayun, doon!

Napahiya man ay pasimpleng lumipat ng row si Badong at nakatabi na nga ang kanyang ka-date. Katulad kanina ay hinawakan ni Badong ang kamay ng babae. At katulad rin kanina ay umiwas ang kamay ng babae.
BADONG: Oh, galit ka pa ba?
BABAE: Hindi.
BADONG: Eh bakit ayaw mong magholding hands tayo?
BABAE: Eh kasi galing ka ng CR. Hindi ka man lang naghugas ng kamay!

At narito ang mga official posters of the entries for the MMFF (Metro Movies For Fun)…















Sunday, December 9, 2012

WAHEEHEE 008

PAMASKONG Q/A
Q: Anong Christmas decoration ang favorite ng mga bilanggo?
A: Syempre parole.

Q: Anong Christmas food ang hindi nagsasabi ng totoo?
A: Eh di Keso De Bola.

Q: Sinong senatorial candidate ang sikat ngayong panahon ng Kapaskuhan?
A: Si Ka Roling.
Q: Candidate for senator ba yun?
A: Si Ka Roling Legarda.

Q: Ano ang kinanta kay Frosty ng kanyang girlfriend?
A: Yung composition ni Rey Valera.
Q: Ano nga yun?
A: Mahal kita pagka't mahal kita
Iniisip nila ay hindi mahalaga
Mahal kita maging… SNOW ka man

CHRISTMAS GIFT
Hindi nagustuhan ng anak ang regalo ng magulang na Magic Sing. Hindi naman daw mahilig kumanta ang anak. Eh ano ba ang gusto talaga? Magic Swing pala. Yung swing na gumagalaw kahit hindi itinutulak.

Christmas table setting – alin ang item na hindi nababagay sa mga fruits and sweets? Yung 2 eggs. Pero teka... Baka naman minatamis na itlog yun noh!

COMIC SCRIPT FLASHBACK: WEEWEECHU
ANDOY: Puwede bang gawin ulit natin ang Weeweechu?
AZON: Ano ka ba naman, Andoy, para kang walang kapaguran.
ANDOY: Sige na, gusto ko pa ng Weeweechu eh.
AZON: Puwede bang bukas na lang?
ANDOY: Last na, promise.
AZON: Last na ha? O, sige na nga.
ANDOY: Ready, one, two…
AZON at ANDOY: Weeweechu ameli klitmat, Weeweechu ameli klitmat, Weeweechu ameli klitmat and a hapi nu yil.

MGA KAPASKUHAN NI DR. GLOBO
CALLER: Totoo po bang mga duwende ang katulong ni Santa Claus sa pag-aayos ng mga regalo?
GLOBO: Naku, hindi totoo yun. In fact, ang mga katulong ni Santa ay mga higante.
CALLER: Higante, huh!
GLOBO: Sa dami kasi ng trabaho at sa dami ng binubuhat ay nabansot ang mga higante kaya naging duwende.
CALLER: Huh, ulit.

CALLER: Bakit MAGO ang tawag sa Three Kings?
GLOBO: Historical yang tanong na yan. Noong ipinanganak si Jesus sa Bethlehem ay may dumating na mga taong galing sa Silangan (East). Medyo kakaiba ang suot ng nasabing mga taga-Silangan kaya syempre ang tawag sa kanila ay mga baguhan.
CALLER: Mga baguhan? Ano pong kuneksyon nun sa tanong ko?
GLOBO: Alam mo naman pag December ay malamig ang panahon at uso ang sipon. Kaya ang mga tao doon ay barado ang ilong. At pag itinuturo ang mga dayuhan galing sa Silangan, ang tawag nila ay BAGO na dahil sa sipon ay naging MAGO.
CALLER: Huh!

CALLER: Totoo po bang ang simbang gabi ay novena?
GLOBO: Totoo yan. Bale 9 na simba lahat kaya novena.
CALLER: Siyam na gabi pala ang simba sa simbang gabi?
GLOBO: Hindi siyam na gabi. Isang gabi lang dahil ang 8 gabi ay madaling araw.
CALLER: Huh!

CALLER: Totoo po bang reindeer ang sinakyan ni Santa Claus?
GLOBO: Kathang isip lang ang reindeer na yan. Ang totoong gamit ni Santa Claus panghila ng kanyang sleigh ay mga aso.
CALLER: Aso? Parang yung sa Alaska?
GLOBO: Tama, pareho sa Alaska. Eto, pakinggan mo ang kanta…
Hey, you’d better watch out
You’d better not cry
You’d better not pout I’m telling you why
Santa Claus is coming TUTA.
CALLER: Arf, arf.

CALLER: Kung hindi po totoo ang reinder eh ano po si Rudolph?
GLOBO: Si Rudolph ay isang manta ray.
CALLER: Manta ray?
GLOBO: Eto, pakinggan mo ang kanta…
Then one PAGE Christmas eve, Santa came to say.
CALLER: Ayos!

Monday, December 3, 2012

WAHEEHEE 007

HONEY PIE
Ipinagmamalaki ni Badong na ang tawag sa kanya ng nililigawan niya ay Honey Pie. Take note, nililigawan pa lang ay Honey Pie na ang tawag kay Badong. Pero umalma ang girl of his dreams. Hindi raw Honey Pie kundi Hanip Pie. Dahil hanip sa kapogian si Badong? Hindi naman. Dahil tuwing darating si Badong ay nangangati siya, obvious na may dalang hanip.

KONTING RELIGION
Q: Ano ang paboritong breakfast ng mga pari?
A: Pandasal, amen.

Q: Sinong action star ang favorite ng mga pari?
A: Si Monsignor Del Rosario.

Q: Bakit hindi nag-aasawa ang mga pari?
A: Kasi kawawa naman ang magiging anak nito.
Q: Bakit naman kawawa ang magiging anak ng pari?
A: Kasi araw-araw kung mag-sermon ang mga pari.

Q: Bakit naiinis si Kumare kay Kumpare?
A: Kasi, parang pari daw si Kumpare.
Q: Bakit, araw-araw ba kung mag-sermon si Kumpare?
A: Hindi. Araw-araw kung uminom ng alak.

Q: Ano ang ginagamit ng mga pari kung New Year?
A: ROMAN CANDLE

Q: Bakit hindi mo makilala ang mga pari kapag nagsama-sama?
A: Kasi pari-pariho ng mga suot.

COMIC SCRIPT: GALANTE
Nasa terminal ng bus sa Cubao si Badong, nakaupo siya sa mahabang bench. Pauwi siya ng probinsya. May lumapit na isang batang lalake at napansin ang maruming sapatos ni Badong.

BATA: Shine, boss?
BADONG: Magkano?
BATA: Singkuwenta.
BADONG: Fifty pesos? Ang mahal naman.
BATA: Magkano ba tawad nyo, Boss?
BADONG: Forty-five.
BATA: Ok, ok, kuwarenta’y singko.

Inumpisahan ng bata ang paglinis ng sapatos ni Badong. At nang matapos ay dali-daling iniabot ni Badong sa bata ang bayad – 50 pesos na buo. Dumukot naman ng 5 pesos na sukli ang bata at iniabot kay Badong.

BADONG: Sa iyo na yang sukli, tip ko sa iyo.

Napakangiti at bata sabay kamot sa ulo niya. O, hindi ba’t galante naman pala si Badong?
Sign along Ortigas Ave cor Raymundo Ave. in Pasig City - gumagawa at naghahasa ng lagare

PARANG FLASHBACK: SIGE REPEAT
Habang nag-iinuman si Ram at si Mar ay nagbubugtungan sila. Nang magsawa ay nagkuwento si Ram.

RAM: May dalawang aso. Si Giripot at si Giripit. Pumunta sila sa palengke. Doon ay hinabol sila ng malaking pusa. Mabilis tumakbo si Giripot kaya nakatakas siya. Sino ang nahuli ng pusa?
MAR: Si Giripit.
RAM: May dalawang aso. Si Giripot at si Giripit. Pumunta sila sa palengke. Doon….
MAR: Teka, teka. Bakit inuulit mo?
RAM: Eh sabi mo sige, repeat.
MAR: Sabi ko ang nahuli ng pusa ay si Giripit.
RAM: O, ayan, inulit mo pa – sige repeat. Kaya uulitin ko.

Paulit-ulit ang pagtatalo hanggang nainis si Mar. Dinampot ang isang bote at ipinalo sa ulo ni Ram. Nang matumba si Ram ay pinagsusuntok at pinagsisipa pa ni Mar.

MAR: O, sino ang nahuli ng pusa?
RAM: Si Giripit.

Sige, repeat daw kaya muling ginulpi ni Mar si Ram.

FLASHBACK: ANG PROMDI SA TAXI
Noong araw, ang patak ng metro ng taxi ay 15 centavos sa umpisa at 5 centavos every 100 meters. Eto na si Badong, nagpapara ng taxi at prenteng sumakay.

Sa pagkakasandal ay nagulat siya dahil 15 centavos ang ipinatak ng metro. Sa pagkapa niya ng pera sa bulsa, napansin niyang 5 centavos lang ang ipinatak ng metro. Hindi na siya sumandal dahil kapag nakasandal raw ay 15 centavos ang ipinapatak.